BAYOMBONG, Nueva Vizcaya – Isang mang-aawit mula sa Nueva Vizcaya ang nagbigay ng karangalan at rekognisyon sa lalawigan matapos makasungkit ng gold at silver medals sa World Championships of Performing Arts kamakailan.
Si Blezzie Tiken, isang 4th year student ng Nueva Vizcaya State University ay nagpakita ng kanyang kahanga-hangang talento sa larangan ng pagkanta sa international singing competition na tinaguriang “Olympics of the Arts,” na ginanap sa Long Beach, Hollywood, USA, noong June 26, 2024.
Ang talento ni Tiken sa naturang international competition ay nagbigay sa kanya titulo bilang Division Champion sa senior category for Broadway Vocal Solo na may Gold Medal at Silver Badge naman sa kanyang pagiging semi-finalist.
“Nag-audition ako sa Baguio City at naging mapalad na mapili. Sumali na ako sa mga competitions noon ngunit hindi ako nanalo,” pahayag ni Tiken.
Humanga ang mga hurado sa talento ni Tiken hindi lamang sa kanyang boses kundi ang pagbibigay nito ng emosyon sa kanyang kanta na umantig sa damdamin ng mga manonood.
Si Tiken na member ng NVSU choir ay kabilang sa 67 na koponan ng bansa sa WCOPA na sinalihan ng 63 na bansa sa buong mundo.
Ang WCOPA ay isang international competition hinggil sa pagkanta, pagsayaw at pag-arte.
Dahil dito, nagbigay ng parangal at papuri si Governor Jose Gambito at ang Sangguniang Panlalawigan kay Tiken dahil sa tinamo nitong karangalan.
“Ang talentong ipinamalas, tagumpay at pagkamit ni Tiken ng mga medalya sa WCOPA ay isang karangalan para sa ating lalawigan at bansa. Siya ay isang inspirasyon para sa ating mga mamamayan lalo na ang ating mga kabataang Novo Vizcayanos,” pahayag ni Governor Gambito. (OTB/BME/PIA NVizcaya)